(NOTE: This was first written last July 9, 2004)
Napanood ko sa balita kagabi ang tungkol sa pagdukot ng mga teroristang Iraqi sa isang Pilipinong truck driver. Ayon sa mga terorista, pupugutan nila ng ulo ang bihag kung hindi iuurong ng Pilipinas ang mga sundalo nito sa loob ng 72 oras. Ayon sa ibang mga grupo, lalo na ang mga makakaliwa, ito na raw ang panahon para iuwi ang mga sundalo. Sabi pa nila, nung simula pa'y di na dapat sumuporta ang gobyerno ng Pilipinas sa 'iligal' at 'di-makatarungang' digmaan ng Estados Unidos laban sa Irag. Ngunit para sa akin, dapat ipagpatuloy natin ang misyon sa Iraq. Mailigtas man o hindi ang bihag, dapat tayong manatili roon.
Datapwat hindi ako naniniwala sa bintang ng Amerika na may mga Weapons of Mass Destruction ang Iraq at sumusuporta sila sa mga terorista, sa tingin ko'y tama pa rin ang ginawa nilang pagpapatalsik kay Saddam Hussein. Kahit na amerika ang nagsimula ng giyerang ito, katungkulan naman ng lahat ng bansang naniniwala sa demokrasya na tumulong sa pagsasaayos at pagpapatahimik ng Iraq. Bilang miyembro ng UN at lalo na ng Security Council, malaki ang responsibilidad nating magin aktibo sa pagsasaayos ng mga kaguluhan sa mundo. Kaya nga itinatag ang UN ay para matulungan ng mga bansa ang isa't isa, diba? Kung tayo'y palagi na lamang tagahingi ng tulong at walang lakas ng loob na gampanan ang ating responsibilidad, wakasan na natin ang pagsali sa UN at wag na rin tayong umasa sa tulong ng ibang bansa.
Isa pang dahilan ng pagtutol ng iba sa pagpunta natin sa Iraq ay ang kawalang ugnayan umano ng mga pangyayari doon sa ating bayan. Ngunit maging dito'y nagkakamali sila. Ang una dapat na natutunan ng lahat mula sa nangyari noong 9/11 ay hindi ang hindi pagiging ligtas ng pinakamaunlad at pinakamakapangyarihang bansa mula sa terorismo kundi ang katotohanang walang bansang pwedeng ihiwalay ang kanyang sarili sa mundo. Gaano man kaliit o kahirap ang isang bansa ay maari paring makaapekto ang mga pangyayari dito sa ibang bansa.
Kung ako si Pangulong Arroyo, imbes na pauwiin natin ang mga tropa sa Iraq ay dadagdagan ko pa ito ng 'di liliit sa isang batalyon. Ano man ang kahinatnan ng bihag na Pilipino, palalawakin ko pa ang misyon ng Pilipinas doon. Kung sa ngayo'y limitado sa reconstruction at mga medical missions ang mga sundalong Pilipino, magiging full-time peacekeepers na sila at gagawin kong aktibo sa pagsugpo sa mga rebeldeng Iraqi. Para maging mas epektibo tayo sa misyong ito, ang dapat na ipadala ay ang mga beterano ng digmaan sa Mindanao. Ang magiging mensahe natin sa mga terorista ay ito: "Hindi n'yo kami masisindak!"
Tayong mga Pilipino ay magigiting at matatag sa sariling bayan. Panahon na para pairalin ang katangiang ito maging sa ibang bayan.